14 October 2011

Krimen

Sa isang barong-barong sa isang kapitbahayan sa isang lalawigan, isang mag-anak ang pinagtatagâ ng isang mag-amang kapitbahay. Isang walong taong bata ang nagpatay-patayan matapos siyang matagâ at siya’y nakaligtas. Duguan pa ang batang humingî ng tulong sa mga iba pang mga kapitbahay. Ang batang ito ang nakapagturô sa mga alagad ng batas na ang pumatay sa kanyang mga magulang at mga kapatid ay isang mag-amang kapitbahay din nila.

Nadakip ang mag-ama at ang dalawa ay iniharap sa mga mamamahayag. Mayroon pang mga pinaghahahanap ang mga alagad ng batas na diumano’y kasama rin sa pagpaslang sa mag-anak.

Itinanggi ng ama na siya ay may kinalaman sa nangyari; nguni’t ang anak nito’y ‘dî na ipinagkailâ na siya ang gumawa ng karumal-dumal na krimen. Inunahan lamang daw niya ang ama ng pamilyang kapitbahay matapos diumano’y pagbantaan sila nito. Sila raw diumano ang pinagbibintangan nitong tumagâ sa pag-aari nitong kabayo.



Sa harap ng mga mamamahayag, sinabi ng umamen ng pagpaslang na ang ama lamang daw ang kanyang balak patayin. Nang mag-sisigaw daw ang iba pang laman ng barong-barong, idinamay na rin daw niya. Pinagsisisihan daw naman niya ang kanyang nagawâ.

Ang masasabi ko lamang, sa wikâ ng isa kong dating manlalarô ng putbol na nabasa ko sa Twitter, ay “Shutangnamesh!”

Ah-ah… Aba’y may kalusugan din ang alagâ n’yang kaulagaan! At ano naman ang akalâ niyang magiging reaksyon ng mag-iina habang pinagtatatagâ niya ang ama, magpalakpakan? Pinagsisisihan raw naman niya ang kanyang nagawâ, teyk nowt. Ano iyon???!!! Para rin niyang sinabing “Ooopppsss!!! Hindî ko sinasadyâ!” Ay hayun! Apat na patay yatâ ang hindi niya sinasadyâ!

Sa ginawâ niyang pananagâ sa pamilya, para na rin niyang sinabi sa buong kapuluan na siya ngâ ang tumagâ sa pag-aarî ng mga itong kabayo. Ako ay napapapataltak na lamang. Parang walang kabagay-bagay ang buhay ng isang tao at ito’y papaslangin nang dahil lamang sa isang shutik – ito namang salitang ito’y napulot ko lamang sa isang mag-aaral na kasama ko sa tanggapan dati – na kabayo.

*****



Sa isa namang kalapit-lalawigan, ilang mga sandataang lalaki ang nagtangkang nakawan ang isang munting bangko. May mga nakakita sa panloloob; at ang mga ito’y madaling nakapagsabi sa mga alagad ng batas. ‘Dî nagtagal, ang bangko ay napapaligiran na ng mga kapulisan.

Sa kabutihang-palad nama’y nagawang pasukuin ng isang magiting na negosyador ang mga nagtangkang magnakaw. Hindî na uso ngayon ang “Sumukô na kamo, Metrocom ini!” Kayâ sa telepono na ginawâ ang pag-uusap.

Mabilis na nilagyan ng posas ang mga sumukô at isinakay sa isang sasakyan ng pulisya. Sapagka’t ang pangyayari ay nasa Pilipinas, natural lamang na ang sasakyan ay pinaligiran muna ng mga usisero bago ito umalis. Saan ka pa? Sa ibang bansâ ang mga masasamang loob ay tinatakbuhan. Dito, tinatakbuhan din – palapit!

Nang iniharap ang mga sumukô sa mga mamamahayag, lahat ang mga ito’y iisa ang sinabi: na sila raw nama’y mga walang trabaho at napilitan lamang tangkain ang pagnanakaw dahil sa walâ na raw maipakain sa kani-kanilang mga pamilya.

Sabay-sabay tayo: namannnnnnnnnnn!!!

Ang sa lagay na iyon ay sila pa ngayon ang kaawâ-awâ? Kadami namang walang trabahong hindî naman gumagawâ ng krimen. Nagawâ ng paraan at naghihintay ng pagkakataong ipagkakaloob ng Panginoon; hindî nanglalapastangan ng kapwâ. Ang hirap naman kasi, may mga taong ang pinipiling hanapbuhay ay ang nakawin ang pinaghirapan ng iba! Mapapataltak na naman ako! Shutik!

Hindî na ang kawalan ng pagkakataon ang pinag-uusapan kung hindî ang personal na desisyong mamuhay ng ayaw ng pagbabanat ng buto sapagka’t mas madalî ang magnakaw na lang ng pinagsikapan ng iba. Hay naku! Ang unlad na siguro ng bansang ito kung lahat lamang ay pinag-iibayo ang kasipagan at hindî ang pagsasamantala ng kasipagan ng iba!

*****


At sa isa pang kalapit-lalawigan, may isang mamang naka-istambay sa isang bangkô sa harap ng isang tindahang pag-aarî ng isang dayuhang Chino. ‘Dî nagtagal, huling-huli ng si-si-ti-bi – napaisip ka ano? – may isang lalaking nakatakip ang mukhang dumais sa kanya, hinugot ang dala nitong baril at nagpaputok nang sunod-sunod sa loob ng tindahan.

Ayon sa nagbalitâ sa telebisyon, napatay ang nagmamay-aring Chino. Walâ raw siyang alam na kaaway ng pinatay, ani ng maybahay nito. Datapwa’t malamang daw ay kung sino man ang umarkila sa mamamatay ay malamang na kalaban sa negosyo.

Mabilis na umalis ang malamang na bayarang mamamatay-tao. Huwag na nating paglaanan pa ng pansin ang pinatay. Imbis, ang tutukan natin ng pansin ay ang mamang nakaupô sa bangkô na hanggang sa mabilis na pagtakas ng mamamatay-tao ay hindî man lamang nagawang makatayô mulâ sa bangkô.

Kitang-kita sa si-si-ti-bi, maka-ilang beses ito nagtangkang tumayô; nguni’t hindî nito magawâ ang kahit ano bukod sa magpalingon-lingon. Hindî ko baga maintindihan habang pinananuod ko ang pag-uulat kung ako baga ay matatawa o maaawâ sa pobre. Ganoon pala ‘yon! Sa sobrang pagkabiglâ ng mamâ at sa lubos na bilis ng mga pangyayari ay talagang napatanga na lang.  Talagang shaked na shaked.


Ah-ah… Kung sa akin iyon, shutangnamesh, malamang karipas na ako ng takbo at bakâ idamay pa ako. Dangan ngâ lamang at madaling magsalitâ habang nanunood sa telebisyon. Malamang siguro ako’y nag-ihî na sa loob ng aking salawal.



[If you have comments, please leave them on this page rather than on the links I share on my Facebook profile. I rotate these links and that unfortunately means your comments will be deleted as well. Here your comments stay for good.]



-------------------------------------------------------------------------------------
RELATED STORIES:
Give 'Em A Break!
A Crying Shame

Share:

SUBSCRIBE BY E-MAIL

SUPPORT THIS SITE

If you wish to support this site by making a donation for the maintenance costs of this site, please click the PayPal button below:

Big thanks to donors:
Glenn Amante
Timothy Guevarra
John Toomey

CONTACT LIFE SO MUNDANE

Name

Email *

Message *